Naglabas ng pahayag si Atty. Gilbert Andres, Executive Director ng CenterLaw, kaugnay ng paglalabas ng public redacted versions ng obserbasyon mula sa Office of the Prosecutor, Office of the Public Counsel for Victims, at ng Depensa sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Andres, positibong hakbang para sa mga biktima ng “war on drugs” ang pagkilala ng Expert Panel na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay competent o fit to stand trial sa pre-trial proceedings.
Iginiit niya na matagal nang nauunawaan ng mga biktima na may kakayahan si Duterte na humarap sa paglilitis, kaya’t inaasahan nilang kikilalanin ito ng Pre-Trial Chamber.
Umaasa rin ang mga biktima na agad na magtakda ng confirmation of charges upang maisulong ang kanilang karapatan sa hustisya at katotohanan sa ilalim ng international law.
Ang ICC ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa libo-libong pagkamatay na naganap sa ilalim ng kampanya kontra droga mula 2016 hanggang 2019.
Tinatayang mahigit 30,000 katao ang napatay sa anti-drug operations, karamihan mula sa mahihirap na komunidad, na siyang batayan ng kasong crimes against humanity.
Kung kikilalanin ng ICC Pre-Trial Chamber ang kakayahan ni Duterte na lumahok sa paglilitis, inaasahang susunod na hakbang ang pormal na pagdinig sa mga kaso laban sa kanya.















