Nanumpa na si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Ewin Tulfo nitong gabi ng Martes bilang ikatlong nominee ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support Partylist (ACT-CIS Party-list).
Pinangasiwaan ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd district Rep. Mannix Dalipe ang panunumpa ni Tulfo.
Subalit hindi pa makakasama sa House roll si Tulfo dahil inaantay pa ng mababang kapulungan ang kaniyang certificate of nomination mula sa Commission on Elections.
Idinulog ni House Secretary General Reginald Velasco ang naturang requirement matapos kumpirmahin ni Dalipe ang panunumpa ni Tulfo nitong Martes.
Matatandaan na nabigong makakuha ng kumpirmasyon si Tulfo mula sa makapangyarihang Commission on Appointments sa kaniyang pagkakatalaga bilang unang kalihim ng DSWD sa ilalim ng Marcos administration.
Kung sakali si Tulfo ang magiging ika-312 na aktibong kongresista sa House of Representatives.
Sinabi naman ni Tulfo na inaasahan niyang pormal siyang maisasama sa listahan ng mga mambabatas bago ang ikalawang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24.
Ang ACT-CIS Party-list ang nanguna na nakakuha ng pinakamaraming boto sa party-list race noong May 2022 elections.