-- Advertisements --

Maghahain si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng panukalang batas na magbabawal sa mga kamag-anak ng opisyal ng gobyerno na maging supplier o contractor ng mga proyekto ng pamahalaan.

Kaugnay na rin ito sa naging talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kung saan pinatutsadahan ng pangulo ang mga nasa pamahalaan na mahiya naman sa mga palpak na flood control projects.

Sa pulong balitaan, sinabi na pinapa-draft na kanya ang naturang panukalang batas at hihilingin ng senador na maisama sa priority bills sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon sa kanya, maliwanag na may sangkot na conflict of interest, katiwalian, at hindi wastong paggastos ng pondo sa ilang proyekto kaya’t nararapat lamang na hindi na ito muling payagan.

Inihalimbawa pa ng pangulo ng Senado na kung ang mga abogado na pumasok sa politika ay hindi pinapayagang ipagpatuloy ang kanilang propesyon, mas lalo nang dapat ipagbawal sa mga mambabatas ang pagiging kontratista at supplier, lalo’t bahagi na sila ng pamahalaan.