-- Advertisements --

Nagbabala si Senate President Francis “Chiz” Escudero na ipaaaresto ang mga kontratista ng mga kuwestyonableng flood control projects kung hindi sisiputin ang ikakasang muling pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Nakatakda sa Setyembre 1 ang ikalawang pagdinig ng komite kung saan pina-subpoena na ang mga contractor na una nang isinapubliko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Binigyang-diin ni Escudero na hindi siya magdadalawang-isip na pirmahan ang arrest warrant laban sa mga kontratistang hindi dadalo sa imbestigasyon.

Nakasaad aniya sa patakaran ng Senado na maaaring ipaaresto ang sinumang binigyan ng subpoena ngunit umiiwas na humarap.

Dagdag pa niya, obligasyon ng mga contractor na magpaliwanag hinggil sa mga umano’y ghost at substandard na proyekto.

Samantala, sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na walang dapat santuhin at dapat maparusahan—ito man ay senador o kongresista na sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Bilang halimbawa, tinukoy niya ang proyekto sa Bulacan na personal na binisita ng Pangulo. Aniya, nakapaloob ito mismo sa National Expenditure Program (NEP) at hindi insertion, taliwas sa ilang pahayag na kumukuwestiyon dito.

Gayunman, nilinaw ni Villanueva na hindi ibig sabihin nito na walang nangyaring insertion sa ibang bahagi ng budget.

Nalugod naman si Senadora Imee Marcos sa pagtanggi ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste sa suhol ni Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo.

Kilala raw ni Marcos ang kongresista simula pagkabata at umaasa itong itutuloy ni Leviste ang isinampang kaso laban sa district engineer.

Naisilbi na ng Senado ang apat na subpoena sa mga kontratista na may tirahan o opisina sa Metro Manila kaugnay ng imbestigasyon sa mga kuwestyonableng flood control projects.

Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, isisilbi na rin ang natitirang anim na subpoena sa iba’t ibang probinsya kabilang ang Albay, Sorsogon, Bulacan, Pampanga at Benguet.