-- Advertisements --

Tututukan ng Kamara de Representantes ang mga agarang pangangailangan ng karaniwang Pilipino sa 20th Congress gaya ng pagkain, trabaho, edukasyon, at pampublikong kalusugan.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na layunin ng Kamara na mapalapit ang pamahalaan sa taumbayan sa pamamagitan ng pag-akma ng agenda nito sa mga prayoridad na inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).

Ipinresenta niya ang mga pangunahing sektor na bibigyang-prayoridad ng Kamara sa bagong sesyon, simula sa seguridad sa pagkain.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ipapasa ng Kamara ang Rice Industry and Consumer Empowerment Act o RICE Act upang matiyak ang matatag na suplay ng abot-kayang bigas habang pinoprotektahan ang mga magsasaka laban sa pagsasamantala.

Dagdag pa niya, kailangang wakasan ang smuggling, hoarding, at manipulasyon sa presyo sa pamamagitan ng mas mahusay na pagpapatupad ng batas at mga reporma sa agrikultura.

Inihayag din niya ang mga plano para palawakin ang irigasyon at mga pasilidad sa pag-ani, kasabay ng modernisasyon ng agrikultura upang ito’y maging mas kapaki-pakinabang.

Ayon sa Speaker, i-institutionalize din ng Kamara ang Walang Gutom Program sa pambansang badyet para sa 2026 sa pamamagitan ng buwanang electronic food credits para sa mga pamilyang nasa panganib.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang layunin ng Kamara ay bumuo ng ekonomiyang mag-aangat sa 99 porsyento ng mamamayan. Aniya, dapat labanan ng mga mambabatas ang mga sistemang nakikinabang lamang ang iilang mayayaman at tiyakin na nakikinabang sa pag-unlad ang karaniwang manggagawa at pamilya.

Nangako rin ang Speaker na palalawakin ang ARAL Program at palalakasin ang mental health support sa mga paaralan.

Tungkol naman sa kalusugan, muling iginiit ni Speaker Romualdez ang layunin ng Kamara na magkaroon ng zero billing at tanggalin ang out-of-pocket expenses sa lahat ng pampublikong ospital.

Aniya, sasabayan ito ng deployment ng mas maraming health workers sa mga malalayong lugar at pagpapabuti ng access sa pangunahing gamot.

Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez na isa sa mga pangunahing prayoridad ng Kamara ay ang kapayapaan at kaayusan, kung saan ang mga batas ay dapat magtiyak hindi lang ng kawalan ng kaguluhan kundi pati ng katarungan at oportunidad.

Nangako rin siya na bibigyang-prayoridad ang modernisasyon ng depensa at katatagan sa harap ng sakuna, dahil kailangang protektahan ang buhay, hindi lang ang teritoryo.

Sinang-ayunan din ni Speaker Romualdez ang panawagan ng Pangulo para sa kumpletong elektripikasyon ng mga kabahayan sa buong bansa pagsapit ng 2028, at nangakong maglalaan ang Kamara ng pondo para matugunan ito.

Tungkol naman sa pamamahala, nanawagan ang Speaker para sa isang mas tumutugon at episyenteng burukrasya. Aniya, magpapasa ang Kamara ng mga batas para i-digitalize ang mga serbisyo, alisin ang red tape, at gawing propesyonal ang public service.

Hinimok ni Speaker Romualdez ang mga mambabatas na gawing makasaysayan ang Kongresong ito—hindi lamang sa dami ng mga batas na maipapasa, kundi sa mga buhay na mababago.

Dagdag pa niya, hindi sapat ang mga batas na maganda lamang sa papel kung wala namang epekto sa tunay na buhay ng mamamayan.

Panawagan ni Speaker Romualdez sa pagkilos, at hinimok ang kanyang mga kapwa mambabatas na magpasa ng batas na may malasakit at buuin muli ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.