Nagbabala si Britain Prime Minister Keir Starmer na kikilalanin ng kanilang bansa bilang estado ang Palestinian sa Setyembre, kung hindi magsasagawa ang Israel ng mga hakbang upang wakasan ang krisis sa Gaza, kabilang ang pagtigil ng giyera, pagpapaabot ng tulong, at pag-iwas sa pag-aangkin sa West Bank.
Ang babala ay kasunod ng ulat mula sa Integrated Food Security Phase Classification (IPC) na nagsasabing umabot na sa antas ng taggutom ang sitwasyon sa Gaza, at tumataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa gutom at malnutrisyon, kabilang ang 88 bata.
Kinondena naman ito ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, at sinabing ang pagkilala sa Palestinian ay magiging reward lang sa terorismong ginagawa ng Hamas.
Samantala, sinabi naman ni US President Donald Trump na hindi siya pabor sa pagbibigay gantimpala sa Hamas, pero hindi nito tinututulan ang desisyon ng Britain.
Tinawag ni Palestinian President Mahmoud Abbas na matapang ang ginawang hakbang ni Starmer. Kapag itinuloy, ang pagkilalang ito ay magiging history anya ito para sa mga Palestino.
Gayunpaman, lumalakas ang panawagan ng mga bansa na payagan ng Israel ang tuloy-tuloy na pagpasok ng tulong sa Gaza, habang patuloy ang pagdami ng mga mga sibilyang namamatay dahil sa gutom.