-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na mayroong panibagong sako ang narekober ng mga awtoridad sa ikinasang pagpapatuloy ng ‘search and retrieval operations’ sa bahagi ng Taal lake. 

Ayon mismo sa kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Jesus Crispin Remulla, ang nakuhang ito ng Philippine Coast Guard ay naglalaman ng labi ng tao. 

Aniya’y ang narekober kahapon sa nagpapatuloy na paghahanap sa ilalim ng lawa ay buto ng tao kasama pati ang bungo at maging ang ngipin. 

Dagdag pa ng naturang kalihim na maaring ang labi ay mula sa isang set ng buto o partikular sa isang tao ang narekober na labi mula sa bahagi ng Taal lake. 

Ngunit kanyang paglilinaw na dadaan pa sa malalimang pagsusuri ang mga narekober na buto sa lawa na ngayo’y nailipat na sa crime laboratory. 

Bunsod nito’y, naniniwala si Justice Secretary Remulla na ang panibagong narekober na ito ay makatutulong sa kanilang pag-iimbestiga. 

Aniya’y, posible at kaya pang maisailalim sa DNA testing ang narekober na labi partikular sa ngipin at bungo na nakuha. 

Dahil rito’y, tiwala si Justice Secretary Remulla na matibay ang mga ibinahagi sa kanilang impormasyon ng testigo na mayroong mga labi ang matatagpuan pa sa lawa ng Taal.