Nanawagan ang mga consumer advocacy group sa pamahalaan na gamitin ang mas matalino at makabagong teknolohiya upang labanan ang ilegal na online gambling, sa halip na ganap na ipagbawal ang lahat ng anyo ng online gaming sa bansa.
Babala ng mga grupo, ang total ban ay maaaring magtulak sa mga lehitimong online gaming platforms na lumipat sa underground operations na mahirap bantayan at mas mapanganib sa mga mamamayan.
Sa kanilang pahayag, iginiit ng Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente at Konsyumer at Mamamayan ang pangangailangan ng mas mahigpit na digital regulation na sinusuportahan ng mga makabago at mas pinahusay na mekanismo ng pamamahala, sa halip na simpleng pagbabawal na posibleng magdulot ng mas malawak na operasyon ng ilegal at hindi matunton na sugalan online.
“Totoo ang pangamba ng publiko ukol sa masasamang dulot ng sugal,” ayon kay Atty. Karry Sison, convenor ng BK3.
“Ngunit ang simpleng pagbabawal ng online gambling ay hindi sapat. Maraming mga site ang nakabase sa labas ng bansa at hindi nasasaklaw ng ating mga batas, kaya patuloy nilang naipapakalat ang mapaminsalang software at nananakaw ng datos ng mga gumagamit,” saad nito.
Binanggit pa ni Sison na kahit pa maraming ilegal na gambling sites ang na-block na ng pamahalaan, patuloy itong muling lumilitaw sa bagong mga web domain at offshore servers.
“Maaaring maipasara ang isang site ngayon, pero may kapalit na bukas. Kailangan natin ng mas matatalinong sistema na maagap na natutukoy at naipapatigil ang mga ito bago pa man makarating sa publiko. Isa itong usapin ng cybersecurity, at nararapat itong tratuhin bilang ganoon,” dagdag pa niya.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang BK3 at KM sa patuloy na pagdami ng unregulated online gambling platforms na umano’y nagiging daan ng pandaraya, pananamantala, at iba pang anyo ng krimen, bunsod ng kawalan ng sapat na regulasyon.
Giit nila, ang pagbabawal sa mga lisensyadong platform ay hindi tuluyang makapipigil sa panganib—bagkus ay maaaring magtulak sa mga ito na lumipat sa mas lihim at hindi kontroladong espasyo.
Samantala, binigyang-diin ni KM Convenor Danilo Lorenzo “Ren” DeLos Santos ang potensyal ng digital financial tools gaya ng e-wallets sa pagtukoy at pagpigil sa kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa online gambling.
“Ginagamit ng milyun-milyong Pilipino ang e-wallets araw-araw,” aniya.
“Sa pamamagitan ng tamang regulasyon, maaaring matukoy ang mga kaduda-dudang pattern gaya ng madalas na pagtaya, paggamit ng mga menor de edad, o mga kahina-hinalang account. Ang teknolohiya ay maaaring maging susi para makakilos agad ang mga regulator.”
Nanawagan ang mga advocacy group sa mga mambabatas na muling pag-aralan ang mga panukalang batas na layong ganap na ipagbawal ang online gambling, at sa halip ay magpokus sa paggamit ng high-tech at data-driven na regulasyon upang tugunan ang ugat ng problema.