-- Advertisements --

Tinatayang aabot sa humigit kumulang ₱500 milyon ang kakailanganin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang masimulan ang pagpapatupad at pagpapalawig ng blockchain technology sa iba’t ibang operasyon ng gobyerno.

Sa pagdinig at pagsalang ng panukalang budget ng ahensya para sa susunod na taon, nausisa ni Philreca Party-list Rep. Presley De Jesus ang mga opisyal ng DICT hinggil sa kanilang posisyon at mga plano para sa pagsusulong ng blockchain technology sa bansa.

Ipinaliwanag ni Appropriations Vice-chair Brian Poe, na siyang budget sponsor ng DICT sa Kamara, na malinaw na ano mang polisiya at batas na ipapasa ng Kamara de Representantes at Senado ng Pilipinas ang siyang mangingibabaw at susundin ng ahensya.

Sa kasalukuyan, mayroon nang nakalaang pondo ang DICT para sa isasagawang pag-aaral at pagsusuri sa potensyal ng blockchain initiative sa iba’t ibang sektor ng gobyerno.

Ngunit, ayon kay Poe, upang masimulan ang aktwal na pagpasok ng mga sensitibong datos ng gobyerno sa isang maaasahan at secure na blockchain network, ay mangangailangan ng karagdagang kapital na tinatayang nasa ₱500 milyon.

Partikular na gagamitin ang pondong ito para sa pag-digitize ng malalaking bulto ng datos na nagmumula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Binigyang diin ni Poe na ang isa sa mga pangunahing layunin ng DICT sa paggamit ng blockchain technology ay ang pagtiyak sa immutability ng impormasyon.

Ibig sabihin, ang mga datos na nailagay na sa blockchain ay hindi na basta-basta mabubura, babaguhin, o mawawala, na nagbibigay ng mas mataas na antas ng seguridad at integridad.