Ibinabala ng US Tsunami Warning System nitong araw ng Miyerkules (Martes sa Amerika) ang panganib ng tsunami matapos ang isang malakas na lindol na magnitude 8.6 na tumama sa Kamchatka Peninsula sa Russia.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), ang lindol ay naitala sa lalim na 19.3 km o 12 miles at tumama 125 kilometro silangan ng Petropavlovsk-Kamchatsky, isang baybaying lungsod sa Far Eastern Russia.
Inaasahan ng mga eksperto na maaabot ng mga alon ang ilang bahagi ng baybayin ng Russia at Japan sa loob ng tatlong oras matapos ang lindol.
Sa Japan, naglabas ng tsunami advisory para sa silangang bahagi ng Hokkaido hanggang Wakayama, kung saan posibleng umabot sa 1 hanggang 3 metro ang taas ng alon. Nagbuo na ng task force ang gobyerno ng Japan para sa monitoring at posibleng agarang aksyon.
Naglabas din ng tsunami watch ang mga awtoridad para sa isla ng Hawaii (US), Guam at mga isla sa Micronesia kasama din ang mga baybayin ng US West Coast (California, Oregon, at Washington), Aleutian Islands at malaking bahagi ng Alaska.
Habang sa Russia, iniulat ang 3 hanggang 4 metrong taas ng tsunami ang aasahan sa ilang bahagi ng Kamchatka.
Ayon naman sa Kamchatka Governor na si Vladimir Solodov, ito ang pinakamalakas na lindol na naitala sa rehiyon sa loob ng ilang dekada.