-- Advertisements --

Nagbabala si Senador Francis “Chiz” Escudero laban sa aniya’y planadong paglihis ng isyu na layong linisin ang pangalan ni House Speaker Martin Romualdez sa pagkakadawit sa umano’y korapsyon sa flood control projects partikular na ang mga “ghost projects.” 

Ang pahayag ni Escudero ay tugon sa mga panayam kamakailan kay Deputy Speaker Ronnie Puno, kung saan iginiit nitong walang direktang kinalaman si Romualdez sa umano’y mga anomalya at budget insertions na may kaugnayan sa flood control allocations mula 2022 hanggang 2024.

Ayon kay Escudero, ang naratibo ni Puno ay mapanganib dahil maaaring iligaw ang publiko at sirain ang kredibilidad ng mga imbestigasyong isinasagawa.

Katawa-tawa aniya dahil tila ang bilis i-abswelto si Romualdez, ilaglag si Zaldy Co, at ilihis ang isyu at magtuturo ng iba. 

Iginiit ng mambabatas na ang tunay na isyu ay ang pag-iral ng mga ghost projects, substandard infrastructure, at mga kickback na nakapaloob sa mga nakalipas na budget.

Kabilang dito ang mga pondo mula 2022 hanggang 2024, na kinumpirma umano ng Commission on Audit (COA), Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH), at ilang whistleblower.

Dagdag pa ni Escudero, ang 2025 budget ay nasa unang yugto pa lamang ng implementasyon at ilang proyekto ang pansamantalang ipinatigil batay sa utos ng Pangulo.

Tiniyak umano ni DPWH Secretary Vince Dizon na paiigtingin ang pagpapatupad ng mga kasalukuyang proyekto upang maiwasan ang kapalpakan na naranasan sa mga nagdaang taon.