Inianunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na extended hanggang Hulyo 15 ang enrollment para sa school year 2020-2021.
Sinabi ni Sec. Roque, batay sa datos na ibinigay sa kanya ni Education Sec. Leonor Briones nasa 15,223,315 na mga estudyante ang nag-enrol para sa pampublikong paaralan habang nasa 672,403 naman ang mga nakapag-enrol sa pribadong paaralan na sadyang mababa kung ikukumpara sa 27 million enrollees noong isang taon.
Ayon kay Sec. Roque, talagang matumal ang mga nagpapa-enrol ngayong taon lalo na sa pribadong paaralan dahil sa COVID-19 pandemic.
Pero pakiusap nito sa mga magulang na i-enrol na ang kanilang mga anak at huwag nang hintayin pa ang pagtatapos ng enrollment period sa July 15.
Iginiit ni Sec. Roque na huwag sanang itigil ang proseso ng edukasyon o ipatigil sa pag-aaral ang mga estudyante dahil sa COVID-19.