Binatikos ng grupong EcoWaste Coalition ang mga kandidato at mga supporter dahil sa tone-toneladang basurang naiwan kasunod ng May 12 elections.
Hiling ng grupo sa mga kandidato na maging responsable ang mga ito ay balikan ang mga kalat na iniwan kung saan-saan, mula sa mga kakalsadahan hanggang sa mga private property.
Bilang ‘statement’, nagsagawa ang grupo post-election clean-up drive sa Quezon City kung saan tinungo nila ang ilang mga eskwelahan at lansangan upang likumin ang mga basurang naiwan ng mga botante, supporter, at mga kandidato.
Giit ng grupo, kailangang mabigyan ng paalala ang mga kandidato at mga volunteer na pagkatapos ng mahaba-habang pangangampanya ay dapat balikan ang mga iniwang campaign material, streamer, tarpaulin, atbpang ikinalat sa kasagsagan ng pangangampanya.
Ayon pa sa grupo, hindi lang simpleng pamumulot ng basura ang ginawang clean-up drive kungdi isa itong paalala sa mga kandidato na maging responsableng lider.
Hindi dapat biglang naglalaho ang mga kandidato pagkatapos ng botohan, bagkus magpursige na balikan ang mga basura upang hindi lamang maikakalat, o maaanod patungo sa kung saan-saan.
Ayon naman kay Cris Luague, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste Coalition, palaging nagiging problema sa bansa ang ganitong sitwasyon, at hindi iniisip ng mga kandidato ang epekto ng kanilang mga ikinalat na basura sa kapaligiran.
Giit ni Luage, natalo man o nanalo, dapat maging responsable ang mga kandidato.