-- Advertisements --

Hinimok ng EcoWaste Coalition si Manny Pacquiao na iwasan ang YiAD Paint, isang brand ng pintura na gawa umano sa China at naglalaman ng mataas na antas ng lead.

Ayon sa grupo, binigyan nila ng abiso si Pacquiao matapos nilang matuklasan na ang ilang pintura ng YiAD ay may halong lead na lampas sa itinatakdang limitasyon ng batas, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.

Sa kanilang pagsusuri sa 12 sample ng pintura, pitong produkto ang lumampas sa 90 parts per million (ppm) na limitasyon ng lead. Ang yellow paint ay mayroong 58,390 ppm ng lead, habang ang orange paint ay may 42,690 ppm. Ang mga produktong ito ay ipinagbibili sa halagang P95 hanggang P99.75 kada lata ng 450 ml.

Hinihiling ng EcoWaste na itigil ang paggawa, pag-import, at pagbebenta ng YiAD Paint na may larawan at pirma ni Pacquiao.

Ayon sa grupo, dapat tiyakin kung may opisyal na pag-apruba si Pacquiao sa paggamit ng kanyang imahe para sa produkto.

Nagbabala rin ang EcoWaste sa publiko na ang lead ay isang nakalalasong kemikal na maaaring magdulot ng seryosong pinsala sa utak at nervous system ng tao.