Inorganisa na ng Department of Environment and Natural Resources – Environment Management Bureau (EMB) ang malawakang post-election cleanup drive upang likumin ang mga tarpaulin, streamer, at iba pang campaign materials na naiwan sa loob ng 90 araw na panahon ng pangangampanya.
Ito ay kasunod ng naging kautusan ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga kung saan inatasan niya ang EMB na pangunahan ang collection, pag-recycle at pag-repurpose sa mga campaign material.
Agad ding pinakilos ni EMB director Jacqueline Caancan ang lahat ng mga EMB regional office upang magsagawa ng cleanup drive.
Magtatagal ang malawakang paglilinis hanggang sa Mayo-17.
Kalakip ng kautusan ni Caancan sa bawat EMB regional office ay ang official report ukol sa bulto ng mga nakuhang campaign material at kung saan ipapadala ang mga ito para sa recycling at repurposing project.
Isa sa mga sistemang gagamitin dito ay ang pagkikipagtulugan ng mga local office ng EMB sa mga lokal na pamahalaan para sa maayos na recycling at paggamit sa mga campign material sa mas produktibong proyekto.
Giit ni DENR Sec. Loyzaga, ang mga napabayaang election material ay tiyak na mapupunta lamang sa mga katubigan, canal, at kung saan-saan, na posibleng lalo pang magdudulot ng polusyon at pagkasira ng kapaligiran.
Maliban sa DENR, una na ring umapela ang grupong EcoWaste Coalition sa mga kandidato na balikan ang kanilang mga campaign posters na ikinabit at iniwan sa iba’t-ibang lugar sa kasagsagan ng pangangampaniya.