Nanawagan ang EcoWaste Coalition sa lahat ng miyembro ng komunidad na maging mapanuri at iwasan ang paggamit ng mga plastic banderitas bilang dekorasyon sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Santo Niño.
Layon ng panawagan ito ng grupo na protektahan ang ating kapaligiran laban sa patuloy na pagdami ng basura.
Ayon kay Ochie Tolentino, tagapagsalita ng EcoWaste Coalition, ang paggamit ng plastic banderitas ay taliwas sa mga pagsisikap at adhikain na pigilan at mabawasan ang plastic waste na nagdudulot ng polusyon sa ating kalikasan.
Sa paghahanda ng mga distrito ng Pandacan at Tondo sa Maynila para sa kapistahan, napansin ng grupo ang malawakang paggamit ng mga garland at iba pang dekorasyon na gawa sa bagong plastic.
Ang mga ito, sa halip na makatulong sa pagpapaganda ng kapaligiran, ay nagdaragdag lamang sa problema ng basura.
Dahil dito, mariin ding hinihimok ng EcoWaste Coalition ang mga parokya at mga opisyal ng barangay na aktibong pigilan ang paggamit ng single-use plastic na banderitas sa kanilang mga lugar.
Hinihikayat din nila ang mga ito na itaguyod ang isang zero waste na simbahan at lipunan, kung saan ang basura ay miniminize at ang mga materyales ay muling ginagamit o nire-recycle.
















