Nakatakdang bawiin ang ranking ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao bilang pang-lima sa World Boxing Council (WBC) Welterweight fighters.
Ito ay matapos aminin ng WBC president na si Mauricio Sulaiman na isang “mistake” umano ang pagkakatalaga kay Pacquiao sa mataas na pwesto sa naturang ranking.
Sa kabila nito, pinayagan ng WBC si Pacquiao na makalaban ang American boxer na si WBC welterweight champion Mario Barrios sa Hulyo 19 sa MGM Grand sa Las Vegas o Hulyo 20, oras sa Pilipinas.
Paliwanag ng WBC president na alinsunod sa mga regulasyon ng WBC pinayagan ang Pinoy champ na makipaglaban sa naturang title dahil nakatanggap siya ng lisensiya mula sa boxing commission at nakapasa sa lahat ng exams.
Nauna na ngang umani ng batikos mula sa boxing community ang naging hakbang ng WBC na pagbibigay sa legendary PInoy boxer ng mataas na ranking at pagpayag sa kaniyang lumaban para sa nasabing title sa kaniyang muling pagbabalik sa boxing dahil apat na taon na rin itong walang laban sa professional boxing.
Huling laban ng Filipino icon ay noong 2021 kung saan tinalo siya ng Cuban boxer na si Yordenis Ugas bago niya inanunsiyo ang kaniyang pagreretiro sa boksing noong Setyembre 29, 2021.