-- Advertisements --

Nakatakdang depensahan ni Mario Barrios ang kanyang World Boxing Council (WBC) welterweight champion, sa Sabado (araw sa Amerika) laban sa social media personality na si Ryan Garcia.

Haharapin ni Barrios (29-2-2) si Garcia, na isa rin sa tinuturing talentadong boksingero ngunit naging kontrobersyal sa nakalipas na tatlong taon dahil sa suspensyon, kaso, at iba pang isyu.

“I know I’m the champion for a reason,” ani Barrios. “Every time I get in there, I leave it all in there.”

Bagama’t siya ang kampeon, itinuturing na underdog si Barrios laban kay Garcia (24-2). Sa edad na 27, sinasabing papasok pa lamang sa prime si Garcia, at ang panalo laban kay Barrios ay magbibigay sa kanya ng WBC belt at posibleng makapagpabago sa imahe niya matapos ang sunod-sunod na kontrobersiya.

Noong Abril 2024, pinabagsak ni Garcia si Devin Haney ng tatlong beses at nanalo sa majority decision, ngunit kalaunan ay idineklarang no contest ang laban matapos siyang magpositibo sa performance-enhancing drugs.

Sinuspinde siya ng New York State Athletic Commission ng isang taon, pinagmulta, at pinasoli ang $1 million na kinita sa laban.

Naaresto rin siya noong Hunyo 2024 dahil sa umano’y paninira sa isang hotel sa Beverly Hills, ngunit kalaunan ay ibinasura ang kaso. Pinatalsik din siya ng WBC noong Hulyo 2024 matapos magbitaw ng racial slurs sa isang livestream, ngunit ibinalik ang kanyang status noong Nobyembre.

Sa kabila nito, naging kalmado si Garcia sa mga press conference at ibinahagi ang kanyang pagbabalik sa ilalim ng pagsasanay ng kanyang ama na si Henry Garcia. “Technically, we are undefeated together, and we’re going to continue the streak,” aniya.

Samantala, dalawa pang world titles ang nakataya sa undercard. Lalaban si Richardson Hitchins (20-0), IBF super lightweight champion, laban kay Oscar Duarte (30-2-1). Haharapin naman ng WBA super lightweight champion na si Gary Antuanne Russell (18-1) si Andy Hiraoka (24-0).