Naniniwala ang MP Promotions CEO Jas Mathur na mananatiling malaking atraksyon sa mga boxing fans ang rematch nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. kahit na naurong ang laban nito sa Enero sa susunod na taon.
Ayon kay Mathur, tiwala siyang muling magiging matagumpay at makapagtatala ng rekord ang muling pagtatapat ng dalawang boxing legend dahil ito umano ang laban na nais muling mapanood ng publiko.
Iginiit ni Mathur na ang rematch nina Pacquiao at Mayweather ang magiging isa sa pinakamalaking sporting events sa panahon ng streaming era.
Matatandaang inanunsyo ang rematch ngayong taon, ngunit agad itong kinuwestiyon ng ilang boxing analyst at tagahanga kung makakamit pa nito ang parehong interes na nakuha ng kanilang unang laban noong 2015.
Sa unang paghaharap ng dalawa, nanalo si Mayweather sa pamamagitan ng unanimous decision. Marami rin ang nadismaya dahil hindi umano naging kasing aksyon ang laban gaya ng inaasahan dahil sa patakbo na depensa ni Mayweather.
Bukod dito, kapwa nasa huling bahagi na ng kanilang karera ang dalawang boksingero. Sa oras ng itinakdang rematch sa Enero, halos 50 taong gulang na si Mayweather habang 48 naman si Pacquiao.
Gayunman, naniniwala si Mathur na hindi magiging hadlang ang edad ng dalawang atleta dahil kapwa umano sila natatanging personalidad sa mundo ng boksing.
















