-- Advertisements --

Wala nang tyansang makapasa sa Senado ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon, partikular na ang economic provisions nito.

Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, mayroon na lamang isang linggo na natitira para sa sesyon ng mataas na kapulungan ng Kongreso bago mag-adjourned sa susunod na linggo ang second regular session.

Una nang nakapasa sa 2nd reading ng Kamara ang resolusyon na baguhin ang economic provision ng saligang batas, ngunit pursigido naman ang ilang grupo na harangin ito.

Sinabi ng Senate leadership na nasa advance stage na sana ang economic cha-cha, ngunit hindi maaaring madaliin ang proseso.

Para naman kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel, magiging abala na ang Senado sa iba pang malalaking panukala sa susunod na mga buwan, kung saan kasama sa hihimayin ang national budget kaya hindi na mapapagtuunan ang pagpapabago sa Konstitusyon.

Sa panig ni Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos, malabo ang Cha-cha hindi lang dahil wala ng panahon kundi dahil hindi rin pabor dito ang mas nakakaraming senador.

Habang sa paniniwala ng oposisyon, hindi talaga napapanahon ang ganitong mga panukala, lalo’t mas maraming isyu ang kailangang tugunan ng Kongreso.