-- Advertisements --

Nagsagawa ng kaniyang kauna-unahang Command Conference nitong Biyernes si Philippine National Police (PNP) Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. para talakayin ang batayan ng kaniyang liderato bilang bagong lider ng PNP.

Sa kanyang mensahe, iprinisinta ni PLtGen. Nartatez ang kanyang Seven-Point Agenda na siyang magsisilbing batayan ng kanyang pamumuno sa mga susunod na araw.

Kabilang dito ang: paggamit ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO); pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga, mga loose firearms, at terorismo; pagbisita, pagpapabuti, at pagpapatupad ng mga risk management plan sa lahat ng antas; pagrerepaso at pagpapalakas ng seguridad para sa mga vital installation at iba pang mga lugar na nas ilalim ng areas of concern; pagtiyak sa epektibong pamamahala ng mga aktibidad, kaganapan, pagdiriwang, at maging sa crowd control; pagpapalakas ng moral at kapakanan ng mga tauhan; at pagpapalakas ng mahusay na pamamahala sa human, material, at financial resources ng organisasyon.

Sa pamamagitan ng mga prayoridad na ito, binigyang-diin ng Acting Chief PNP ang kahalagahan ng strategic operations, responsive policing, at good governance sa loob ng organisasyon.

Dagdag pa niya na ang kanyang pamumuno ay magpopokus sa epektibong pamamahala ng mga resources, tauhan, logistics, at finances upang matiyak ang isang disiplinado at people-centered na serbisyo ng pulisya.

Samantala, ang naging Command Conference na ito ay nagmamarka lamang ng panimulang punto ng pamumuno ni PLtGen. Nartatez, na nagtatakda para sa isang mas nagkakaisa, mahusay, at community-responsive na Pambansang Pulisya.