-- Advertisements --

Ibinunyag ni House Deputy Speaker at Antipolo 1st District Rep. Ronaldo Puno na may nakita siyang mga issues o anomalya sa 2026 national budget lalo na sa mga flood control projects.

Inihayag ni Puno na ang kanilang mga priority flood control projects ay biglang naglaho ng kaniyang tinignan ang kopya ng 2026 National Expenditure Program (NEP).

Sinabi ni Puno na inuumpisahan pa lamang talakayin ang 2026 budget subalit andami nang nakikitang mga kataka-takang bagay.

Paliwanag ni Puno, ang mga congressional district ay mayroong nakalaang pondo para sa mga lokal na proyekto at para sa 2026 ay nasa P150 milyon ang halaga nito.

Ayon sa Kongresista ang mga DPWH District Engineer at Regional Officer ay nagsusumite umano ng listahan ng proyekto para sa mga congressional district.

Inihayag ni Puno na nakakuha umano siya ng kopya ng isinumiteng listahan ng District at Regional Office ng DPWH.

Subalit nang kaniyang tignan umano ang NEP na binalangkas ng Department of Budget and Management (DBM) wala umano ang mga proyektong ito at napalitan.

Sinabi ni Puno na maging si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, ang panganay na anak ng Pangulo, ay nakaranas din nito.

Tinawag na napaka walanghiya ni Puno ang gumawa nito at maging ang distrito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ay ginanon din.

Isiniwalat din ni Puno na ang Malala pa dito ay ang nangyari kay Marikina City Rep. Marcelino Teodoro dahil ang mga proyekto sa kanyang distrito na tapos nang gawin ay muling napondohan.

Sinabi ni Puno na ang nakakalungkot dito kapag ang isang kongresista ay nagsumite ng “errata” para maitama ang mga proyekto sila ay pagbibintangan na may ginagawang kalokohan.

Giit ni Puno dahil sa mga nadiskubring anomalya ay mas gugustuhin niyang magkaroon na lamang ng reenacted budget kaysa tanggapin ang 2026 NEP.

Ito din ang dahilan kung bakit naghain ng House resolution si Puno na layong imbestigahan ang mga “funders” ng mga infrastructure projects gaya ng flood control projects.