-- Advertisements --

Humaharap sa panibagong mga reklamong administratibo at kriminal ang sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at 35 iba pang opisyal may kaugnayan sa umano’y iligal na pag-convert ng isang lupain sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) property at hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, isasampa ang naturang mga reklamo sa Office of the Ombudsman laban kina Guo, sa dating bise-alkalde ng Bamban at mga konsehal kasama na ang mga opisyal na nagsilbi bago ang termino ni Guo.

Ipinaliwanag ng NBI chief na ang mga transaksiyong sangkot dito ay maituturing na “grossly disadvantageous” dahil mula sa appraised value na P3.9 billion, ang ibinayad lang aniya ay P10,000 para sa real property tax at wala din aniyang bidding.

Kabilang sa mga reklamong kakaharapin ng mga ito ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 216 ng Revised Penal Code na nagpaparusa sa mga opisyal na may prohibited interests.

Mahaharap din ang mga ito sa administrative charges dahil sa gross misconduct, serious dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service.