Hinimay ng House Committee on Appropriations ang P3.718 bilyong panukalang pondo ng Department of Tourism (DOT), attached agencies at corporations para sa 2026 ngayong araw, Setyembre 2.
Sa kaniyang opening remarks, inihayag ng isa sa Vice chair ng komite na si Rep. Rufus Rodriguez na ang alokasyong pondo ng ahensya ay idinisenyo para pabilisin ang pagrekober ng sektor, palawigin pa ang global gains at lumikha ng mas marami pang trabaho sa sektor ng turismo.
Inisa-isa naman ni DOT USec. Milagros Sy ang breakdown ng panukalang pondo ng ahensiya, kung saan nasa kabuuang P3.19 billion ang inilaang pondo para sa Office of the Secretary, P159 million para sa Intramuros Administration, P320 million para sa National Parks Development Committee at P44.9 million para sa Philippine Commission on Sports and Scuba Diving.
Isa sa mga natalakay sa budget hearing ang kapansin-pansing pagbulusok ng pondo para sa branding campaign ng DOT mula sa mahigit 1.2 bilyong pondo, bumaba ito sa P200 million noong 2024 at nakalahati na lamang ito ngayong taon na nasa P100 million, na pinakamababa sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay DOT USec. Sy, ang malaking pagbaba sa branding campaign budget ng ahensiya sa nakalipas na tatlong taon ay nagresulta sa resources constraint na nakapagpabagal sa mga pasisikap ng tourism department sa branding initiative at nagpahina sa competitiveness nito sa global market.
Kaugnay nito, sa interpelasyon ni House Asssitant Minority Leader Rep. Renee Co sa DOT officials, natanong ng mambabatas kung mayroong inilaan ding pondo para sa advertising agency.
Natanong ito ng mambabatas kasunod ng lumabas noon na kontrobersiyal na footage ng ibang mga bansa sa tourism video campaign na “Love the Philippines”, kung saan kinontrata ang isang ad agency na DDB Philippines para sa launching ng naturang video campaign, subalit tinerminate kalaunan ng DOT ang kontrata sa ad agency matapos pumutok ang kontrobersiya, dahilan kayat walang pondong inilaan para sa ad agency.
Nilinaw naman ni Tourism Secretary Christina Frasco na walang ginamit ni isang piso mula sa pondo ng gobyerno sa naturang ad agency na na-terminate na ang serbisyo.