-- Advertisements --

Ibinabala ng state weather bureau ang posibilidad ng malawakang pagbaha sa Eastern at Northern Luzon dahil sa mga serye ng mabibigat na pag-ulan.

Batay sa inilabas na abiso ng ahensiya, posibleng makaranas ng mula 100 hanggang 200 mm na pag-ulan mula ngayong araw (July 3) hanggang bukas (July 4) ang mga probinsya ng Cagayan, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

Nakataas ang Orange Rainfall Warning sa mga naturang probinsya sa loob ng dalawang araw.

Posible ring makaranas ng 50 hanggang 100mm na pag-ulan ang mga probinsya ng Ilocos Norte, Apayao, Abra, Ilocos Sur, Kalinga, Mt. Probince, Ifugao, La Union, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, at Batangas.

Sa Metro Manila, inaasahan ding babagsak ang 50 hanggang 100 mm na ulan sa malaking bahagi ng capital region.

Ayon sa weather bureau, ang volume ng mga ulang babagsak sa mga naturang lugar ay maaaring maging dahilan ng malawakang pagbaha, lalo na sa mga probinsyang nasa ilalim ng orange warning.

Samantala, inaasahan namang bahagyang bumaba ang bilang ng mga probinsya na makakaranas ng malakang pag-ulan sa Sabado, July 5.

Batay sa pagtaya ng weather bureau, bahagyang mas mababang volume ng ulan na lamang ang maaaring bumagsak sa mga probinsya ng Cagayan, Ilocos Norte, Apayao, Abra, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro sa naturang araw, kasabay ng inaasahang unti-unting paghina ng mga weather system na nakaka-apekto sa bansa.