Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maaapektuhan ang nagpapatuloy na modernization program ng Philippine Air Force (AFP) kasunod ng mas maagang pagretiro sa serbisyo ni Air Force chief Lt. Gen. Galileo Gerard Kintanar.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Noel Detoyato, hindi naman maaapektuhan ang mga ongoing projects ng PAF dahil “in-placed” naman ang mga ito gaya ng pondo na nakalaan dito, maging ang mga technical working group na may hawak sa mga nasabing proyekto.
Giit pa ni Detoyato na “very thorough” ang ginawang pag aaral ng mga technical working group sa modernization projects ng hukbo.
Tiniyak naman ni Detoyato na hindi maging sanhi ng demoralisasyon sa mga tauhan ng Air Force ang maagang pagretiro ni Kintanar.
Aniya, hindi na bago sa kanilang hanay na may mga generals ang pinili na mag retiro sa serbisyo ng mas maaga.
Nilinaw naman ni Detoyato na walang ugnayan ang early retirement ni Kintanar sa kaso ni dating Navy chief Vice Admiral Ronald Joseph Mercado.
Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo kay Defense Secretary Delfin Lorenzana kaniyang sinabi na walang anomalya na kinasasangkutan si Lt Gen. Kintanar.
Aniya, maa-assign muna sa General Headquarters sa Kampo Aguinaldo si Kintanar na maaring maging AFP Vice Chief of Staff.