-- Advertisements --

Nais matiyak ni Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez na masustine ang P20 rice program ng Marcos administration.

Dahilan na isusulong nito na mapataas ang pondo ng Department of Agricuture o DA at National Food Authority o NFA sa ilalim ng panukalang 2026 National Budget.

Ayon kay Romualdez, mahalaga na mapondohan ang DA at NFA upang matiyak na tuloy-tuloy ang mga programa ng administrasyong Marcos Jr. lalo na sa pagbebenta ng P20 kada kilo na bigas.

Ipinunto ni Romualdez na hindi lamang dapat maging matagumpay ang kampanyang ito kundi dapat maging permananteng parte ng buhay ng mga Pilipino.

Sa ngayon mahigpit na makikipag-ugnayan ang Kamara sa Ehekutibo upang masiguradong magkakaroon ng tamang pondo ang DA-NFA, at maisulong ang iba pang lehislasyon na kailangan.

Kumpiyansa si Romualdez na maisabatas ang kanyang House Bills 1 hanggang 14, upang maging mas abot-kaya ang presyo ng bigas at matulungan ang mga magsasaka.

Binigyang-diin ni Romualdez na mahalaga na mabigyan ng sapat na tulong at suporta ang mga magsasaka na siyang itinuturing na backbone ng sektor ng agrikultura.

Bukod din sa subsidiya, sinabi ni Romualdez na mahalaga na mayroon ding pangmatagalang pamumuhunan, irigasyon, modernong makinarya, mga makatwirang pautang, at post-harvest facilities.

Una nang sinabi ng DA na target nilang umabot sa 15 milyon ang mga benepisyaryo ng murang bigas sa 2026, habang 60 milyon sa kalagitnaan ng 2028, sa pamamagitan ng Kadiwa at iba pang partners.