Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na gawin ang nararapat na hakbang para matulungan ang mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano sa Batangas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakatutok si Pangulong Duterte sa sitwasyon at dumating na ngayon sa Metro Manila mula sa Davao City.

-- Advertisement --

Ayon kay Sec. Panelo, kagabi pa sana bumiyahe si Pangulong Duterte pero hindi pinayagan ng Civil Aviation Authority (CAAP) dahil sa zero visibility sa paliparan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Batay sa mga larawang ipinadala ni Sen. Bong Go na kasama sa biyahe ni Pangulong Duterte, bandang 9:47 kanina ng lumapag ang kanilang sinakyang eroplano sa NAIA at sila ang tanging pinayagan munang makalapag ng CAAP.