Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isa na namang foreign national na nagpapanggap bilang Pilipino.
Naaresto ng intelligence agents si Wu Zhishi, 45-anyos na Tsino, sa J. Pimentel St., Purok 3, Barangay V sa Daet, Camarines Norte.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa government intelligence operatives, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon sa ulat, gumagamit si Wu ng mga dokumento galing sa gobyerno ngunit ilegal niyang nakuha at nagpapakilalang isang Pilipino sa iba’t ibang mga transaksyon.
Agad siyang inaresto at kalaunan ay inilipat sa PAOCC para sa pisikal na kustodiya.
Nanatili pa rin si Wu sa ilalim ng legal na kustodiya ng BI habang siya ay sumasailalim sa proseso ng deportasyon dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.
Nabahala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa patuloy na paglaganap ng paggamit ng mga dokumentong Pilipino ng mga ilegal na dayuhan.