-- Advertisements --

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga senador na sampahan na ng kaso ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation dahil sa overpriced na COVID-19 supplies na binili ng gobyerno.

SENATE HEARING

Sa kaniyang lingguhang address to the nation nitong gabi ng Lunes, iginiit ng pangulo na ang Senado ay hindi criminal court at hindi dapat gamitin para maghanap ng kamalian.

Paglilinaw pa nito na hindi niya ipinagtatanggol ang Pharmally at ang ayaw lamang niya ay ang pagpapatawag sa mga miyembro ng gabinete na abala ngayon para sa usapin ng COVID-19 pandemic response.

“If you think you have enough evidence against Pharmally, go ahead and file cases against them in proper courts. Stop using it simply as a witch hunt in aid of election,” wika pa ng pangulo.

Muli ring binanatan ng pangulo si Senate blue ribbon chair Richard Gordon sa pagsasabing hindi siya maaaring “mag-diyos-diyosan” daw sa pag-iimbestiga sa Senado.

Samantala, pinirmahan na rin aniya niya ang memorandum na nag-aatas sa executive department officials na hindi na dumalo sa imbestigasyon ng Senado.

Magugunitang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Senado dahil umano sa overpriced na binili ng gobyerno ng mga medical supplies sa Pharmally na para sa DOH at ibinigay sa mga medical health workers.