-- Advertisements --

Pormal nang natanggap ng Senado ang kopya ng 2026 national expenditure program na nagkakahalaga ng P6.793 trillion. 

Pinangunahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagsusumite ng mga dokumento ng NEP na tinanggap ni Senate President Francis Escudero at ni Senador Sherwin Gatchalian bilang chairman ng Senate Committee on Finance. 

Present din si Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senador Alan Peter Cayetano.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang pinakamalaking bahagi ng panukalang pondo ay ilalaan sa sektor ng edukasyon na nagkakahalaga ng ₱1.224 trilyon, kasunod ang imprastruktura na may ₱881.3 bilyon, at sa sektor ng kalusugan na nagkakahalaga ng ₱320.5 bilyon.

Alinsunod ito sa naunang pahayag ni Gatchalian na bibigyang prayoridad ng 2026 budget ang sektor ng edukasyon, kaya tatawagin itong “education budget.”

Ngayong natanggap na ang kopya ng panukalang pondo, sinabi ni Gatchalian na gugulong na ngayon ang budget process. 

Samantala, nakatakda aniya sa September 1 ang meeting ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) kaugnay sa panukalang pondo para sa susunod na taon.

Matapos nito, magkakaroon ng budget briefing kasama ang mga ahensya ng gobyerno. 

Dagdag ng senador, maaari na rin makialam ang taumbayan sa pagbusisi ng panukalang pondo para sa 2026 kung saan pwede silang magmungkahi ng dagdag na budget sa isang partikular na programa. 

Pahihintulutan din aniya ang publiko na magpanukala ng amyenda ngunit dadaan pa rin sa pagbusisi ng komite. 

Noong una, tinanong din si Gatchalian kung matitiyak niyang maipapasa ni Pangulong Bongbong Marcos ang 2026 budget bago mag-Christmas break ang Kongreso sa Disyembre.

Ayon sa senador, posible ito basta’t ang panukalang pondo ay hindi lalabag sa mga pahayag at direktiba ng pangulo.

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, binalaan ni Marcos ang Senado at Kamara na hindi niya pipirmahan ang anumang panukalang pondo na hindi nakaayon sa mga programa ng administrasyon.

Partikular niyang binigyang-diin na kanyang ibabalik ang anumang General Appropriations Bill na hindi tumutugma sa NEP — kahit na magresulta pa ito sa reenacted budget.