IBAJAY, Aklan — Nagluluksa ang buong bayan ng Ibajay matapos na pagbabarilin ang kanilang bise alkalde na si Julio Estolloso sa loob ng kaniyang tanggapan sa munisipyo, bandang alas-9:15 kaninang umaga sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, sinasabing nasa loob ng Sangguniang Bayan session hall si Estolloso nang dumating ang suspek na si SB member Mihrel Senatin.
May hinihingi umano itong kopya ng lahat ng mga ordinansang naipasa sa staff simula sa kanyang pag-upo sa pwesto.
Pagkatapos nito ay hinarap umano niya ang biktima at tinanong kung ano ang kanyang kasalanan dito kasabay ang pagkuha sa kanyang baril at pinaputukan ng anim hanggang pito beses ang bise alkalde.
Nagtamo ng multiple gunshot wounds ang biktima na karamihan ay tumama sa kanyang kaliwang dibdib. May narekober na mga basyo ng bala ng Gloc 17 9mm revolver sa crime scene.
Matapos umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril, nagtakbuhan palabas ang mga empleyado at mga taong nakikipag-transaksyon sa lugar.
Pinauwi muna ang mga empleyado at kasalukuyang naka-kordon ang buong munisipyo.
Agad na umalis ang suspek na naaresto umano ng mga miyembro ng Ibajay Municipal Police Station sa kanyang bahay habang isinugod naman sa Ibajay District Hospital ang biktima pero binawian din ng buhay dakong alas-10:23 ng umaga.
Kasamang nakuha ng mga awtoridad ang baril na ginamit sa krimen na gagamiting ebidensiya.
Tikom pa ang bibig ng mga opisyal ng bayan ng Ibajay at pamilya sa pangyayari.
Ang suspek at biktima ay kapwa miyembro ng local political party na Tibyog-Akean.