ILOILO CITY – Patay ang isang drug personality matapos manlaban umano sa otoridad sa buy bust operation sa Mandurriao, Iloilo City.

Ang subject ng buy bust operation ay kinilalang si Giovanni Guancia Mejica, 37, ng Block 10, Lot 5, Imperial 6, Mandurriao, Iloilo City.

Si Mejica ay itinuturing na High Value Target (HVT) 1 at nagbebenta ng illegal drugs sa distrito ng Mandurriao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Marlon Valencia, hepe ng Mandurriao Police Station, sinabi nito na nagpaputok ng armas si Mejica nang malaman na pulis ang kanyang naka-transaksyon.

Maswerte ayon kay Valencia at mayroong suot na bullet proof vest ang pulis kung kaya’t hindi ito nasugatan.

Dahil dito, napilitan naman ang raiding team na barilin si Mejica.

Nakuha sa crime scene ang isang granada na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng drug personality.

Nakatakdang isailalim sa autopsy examination ang bangkay ni Mejica.

Ang nasabing buy bust operation ay isinagawa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Mandurriao PNP.