-- Advertisements --

Matagumpay na naisagawa ng Bombo Radyo Philippines, katuwang ang Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. at ang Philippine Red Cross, ang Dugong Bombo 2025, ang largest single-day voluntary bloodletting event sa bansa.

Idinaos ito nang sabay-sabay sa 25 key areas sa buong Pilipinas, kasama ang 32 fully digitalized AM at FM stations ng network.

Sa kabila ng pinsalang dulot ng malalakas na bagyo at matinding lindol na tumama sa ilang rehiyon, nalampasan ng Dugong Bombo ngayong taon ang record noong nakaraang taon.

Muli nitong pinatibay ang lakas, malasakit, at diwa ng boluntaryong pagtulong ng sambayanang Pilipino.

Umabot sa 4,657 bag ng dugo ang nakolekta, katumbas ng 2,095,650 cc, 2,095.65 litro, o 553.61 galon, o humigit-kumulang 10 drum ng dugo na makapagliligtas ng buhay.

Sa gitna ng patuloy na pagbangon ng bansa mula sa mga kalamidad, nagkaroon ng mas malalim na kahulugan ang taunang kaganapan.

Mga Pilipino mula sa iba’t ibang sektor, mga estudyante, manggagawa, unipormadong tauhan, propesyonal, at mga samahang pangkomunidad, ang nag-alay ng dugo sa kabila ng hamon ng panahon.

Ang kanilang tapang at malasakit ay patunay ng matibay na bayanihan na patuloy na naglalarawan sa pagkataong Pilipino.

Sa halos dalawang dekada, ang Dugong Bombo ay nagsilbing mahalagang lifeline para sa mga komunidad sa buong kapuluan.

Taun-taon, libo-libong yunit ng dugo ang naipagkakaloob upang masuportahan ang mga pasyente sa oras ng emerhensiya, panganganak, operasyon, gamutan sa kanser, at iba pang kritikal na pangangailangang medical.

Sa temang “A Little Pain, A Life to Gain,” binibigyang-diin ng programa na bagama’t ilang minuto lamang at kaunting kirot ang dulot ng pagbibigay ng dugo, maaari nitong bigyan ang kapwa Pilipino ng isa pang pagkakataon upang mabuhay.

Sa kabila ng mga makabagong teknolohiya sa medisina, nananatiling walang kapalit ang dugo ng tao, kaya’t ang mga boluntaryong donor ay mahalagang katuwang sa pagliligtas ng buhay.

Nagpahayag ng buong suporta ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Dugong Bombo 2025.

Hinikayat nito ang mga mananampalataya na makibahagi, at inilarawan ang pagbibigay ng dugo bilang gawa ng pananampalataya, pagkakawanggawa, at pagmamahal sa kapwa, isang tunay na pagpapahayag ng misyon ng Kristiyanismo na pangalagaan at ipagtanggol ang dangal ng buhay.

Sa pagtatapos ng Dugong Bombo 2025, muling pinagtitibay ng Bombo Radyo Philippines, kasama ang mga katuwang nito, ang pangako sa makataong paglilingkod, pagpapatibay ng komunidad, at pagbubuo ng bansa.

Ang taunang inisyatiba ay nananatiling patunay sa misyon ng network na magligtas ng buhay ng mga Pilipino, sa bawat mahalagang donasyon.

Nagpapaabot ng pasasalamat ang Bombo Radyo Philippines sa:

– lahat ng matagumpay na donor
– mga donor na hindi nakapasa ngunit nagpakita ng kagustuhang tumulong
– mga boluntaryo at medical teams
– mga sponsor at katuwang na institusyon


Maraming salamat. Basta Radyo Bombo!