-- Advertisements --

Tumaas ang farmgate price ng palay nitong Enero 2026, batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Lumalabas sa monitoring ng naturang ahensiya na umaabot na sa P20.10 ang kada kilong presyo ng palay sa nakalipas na buwan, higit dalawang pisong mas mataas kumpara sa P18.01 na presyuhan noong buwan ng Disyembre.

Gayunpaman, bahagyang mas mababa pa rin ang naturang presyo kumpara sa farmgate price noong Enero 2025.

Bahagya namang tumaas ang presyo ng regular milled rice nitong unang bahagi ng Pebrero kumpara noong buwan ng Enero.

Batay pa rin sa datus ng PSA, tumaas ng 4.1% ang presyo mula sa dating P43.76 kada kilo patungo sa kasalukuyang P45.54 ang kada kilo.

Pero kung ikukumpara sa kaparehong buwan noong nakalipas na taon, mas mababa ang average price ngayong taon dahil umaabot noon sa P47.77 ang kada kilong presyo ng regular milled rice.

Ito ay mahigit dalawang pisong mas mataas kumpara sa kasalukuyang presyo.