Naghatid ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng apektado sa isinasagawang emergency repair ng San Juanico Bridge.
Ayon kay DSWD – Disaster Response Management Group (DRMG) Chief, Asec Irene Dumlao, naunang isinagawa ang profiling o pagtukoy sa mga strandees o mga indibidwal na naapektuhan sa ipinatupad na restriction.
Ginamit dito ang Family Access Card in Emergencies and Disasters (FACED), isang istratehiya kung saan kinukolekta ang demographic at socioeconomic data ng mga apektadong pamilya tulad ng kanilang edukasyon, income, atbpa.
Sa pamamagitan ng naturang assessment, natukoy aniya ang aktwal na pangangailangan ng mga residente, kasama na ang nararapat na tugon sa kanilang pangangailangan.
Samantala, pinaplano na rin aniya ng DSWD ang pagdedeploy sa mobile kitchen nito sa Region 8 upang makapagdala ng pagkain sa mga strandees. Target na maserbisyuhan dito ang mga apektadong truck driver at operator, atbpang biyahero.
Makikipagpulong aniya ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang planuhin ang maayos na deployment sa mga mobile kitchen at tukuyin ang iba pang paraan ng pagtulong sa mga naapektuhan.