NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos ang isinagawang buy bust operation sa Brgy. San Isidro, Baao, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Vincent Britanico, 51-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Mary Grace Tagtag, Hepe ng Baao MPS, sinabi nito na dati na aniyang naaresto sa kaparehong kaso ang naturang suspek.

Ayon kay PMaj Tagtag, nang isinagawa ang naturang operasyon, napansin umano ng suspek na pulis ang kaniyang ka-transaksiyon kung kaya agad nitong pinaputukan ang mga otoridad habang tumatakbo papunta sa kaniyang bahay.

Kung saan nagpaputok din ang mga otoridad na naging dahilan para magtamo ng mga sugat sa kaniyang katawan ang nasabing suspek.

-- Advertisement --

Kaugnay nito, itinakbo pa sana si Britanico sa ospital, ngunit ideneklara na itong dead on arrival ng mga doktor.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang hindi rehistradong caliber .38 pistol, limang caliber. 38 ammunition, anim na heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, at tatlong 9mm fired cartridge cases.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga narekober na kagamitan habang nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon.

Sa likod nito, ayon ki PMAJ Tagtag, ito na ang ika-apat na operasyon na ginawa ng naturang ahensiya.