-- Advertisements --

Binulabog ng sunog ang tanggapan ng Department of Public Works and Highways – National Capital Region (DPWH-NCR) sa Barangay Pinyahan, Quezon City nitong hapon.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 12:50 ng tanghali sa gusali ng Bureau of Research and Standards na matatagpuan sa National Irrigation Administration Road, malapit sa EDSA.

Mabilis na kumalat ang apoy kaya’t agad itinaas ang unang alarma, sinundan ng ikalawang alarma sa loob ng isang minuto, at umabot sa ikatlong alarma pagsapit ng alas-12:56 p.m.

Nagpadala ang BFP ng hindi bababa sa 12 fire trucks upang apulahin ang sunog, na pinangangambahang makaapekto sa anim hanggang pitong gusali sa paligid.

Sa ngayon, wala pang naiulat na nasawi o nasugatan, at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.

Naglabas ng paalala ang lokal na pamahalaan sa mga residente at empleyado sa lugar na mag-ingat at sumunod sa mga abiso ng awtoridad habang isinasagawa ang clearing operations.

Patuloy ang monitoring ng insidente, at inaasahang maglalabas ng karagdagang impormasyon ang BFP sa mga susunod na oras.