-- Advertisements --

Isasapubliko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang inisyal na resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood control projects “sa loob ng isa o dalawang linggo,” ayon kay Secretary Vince Dizon.

Kasabay nito, ilalabas din ang listahan ng mga ghost at substandard projects sa bansa, pati na ang mga opisyal ng ahensya na sangkot sa kontrobersya.

Kinumpirma ni Dizon na nakatanggap na sila ng higit 100 ulat kaugnay ng ghost at very substandard projects sa loob lamang ng dalawang linggo. 

Agad aniya itong iniinspeksyon at nakikipagtulungan sila sa Independent Commission for Infrastructure para sa case build-up.

Kabilang sa mga naiulat na substandard at ghost projects ay matatagpuan sa La Union, Oriental Mindoro, Nueva Vizcaya, Eastern Samar, at Mindanao, bukod pa sa Bulacan.

Dagdag pa ng kalihim, layon din ng DPWH na bumuo ng isang transparency portal, katulad ng “Isumbong Mo sa Pangulo” website na inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Aniya, ang portal ay maglalaman ng detalyadong tala ng mga ghost at substandard projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kasama sa ilalabas na listahan ang pangalan ng mga contractor, proponent, at mga personnel ng DPWH na sangkot sa mga proyekto.

Sa puntong ito, nagtanong si Senador Kiko Pangilinan kung maaari bang ilantad sa publiko ang ganitong impormasyon. Agad itong sinagot ni Dizon ng “oo,” at iginiit na mahalagang makita ng publiko ang tunay na nangyayari sa mga proyekto.

 Sisikapin din daw nilang maging detalyado ang listahan upang hindi makompromiso ang mga kasong isasampa.