-- Advertisements --

Magkakaroon na rin ng pre-audit sa mga road projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matukoy kung kinakailangan nang kumpunihin ang isang kalsada o hindi.

Sa pagbusisi sa panukalang pondo ng ahensya para sa 2026, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na sa halip na post-audit lamang, magkakaroon na rin ng pre-audit upang maiwasan ang duplication, o ang pagkakapondohan ng parehong proyekto nang dalawang beses o higit pa, kahit pareho lang ang lokasyon, layunin, o saklaw ng trabaho.

Napuna kasi ni Senator Erwin Tulfo na nagiging sanhi ng duplication ang paulit-ulit na pagbubungkal ng kalsada kahit katatapos lang ng proyekto. 

Aniya, karaniwan ito sa Region 5 sa Bicol, partikular sa highway mula Quezon papuntang Camarines Sur, kung saan palagi umanong sira ang kalsada.

Paliwanag ni Dizon, matagal nang inirereklamo ang reblocking, kaya’t noong Oktubre 7 ay naglabas siya ng memorandum na nagsususpende nationwide ng lahat ng reblocking activities hangga’t hindi nailalabas ang malinaw na guideline at criteria kung kailan dapat mag-reblock. 

Posible aniya na sa mga susunod na linggo ay matatapos nang mabuo ang mga patnubay kung kailan puwedeng mag-reblock.

Tiwala naman si Tulfo sa plano ng kagawaran, dahil tila naging “common practice” na ng nakaraang administrasyon sa DPWH ang pagkukumpuni ng mga kalsada kahit na maayos pa ang mga ito.