Ila-livestream na ang mga pagdinig sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) simula sa susunod na linggo.
Ito ang inanunsyo ni Independent Commission for Infrastructure Chairman Andres Reyes sa pagdinig ng Senado ukol sa pagtatatag ng Independent People’s Commission (IPC) upang maging permanente na ang komisyon na nag-iimbestiga sa mga maanomalyang proyekto sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Iginiit ni Reyes na sa oras na magkaroon na sila ng sapat na teknikal na kakayahan, sisimulan na nilang isapubliko sa susunod na linggo ang mga imbestigasyon kaugnay sa umano’y bilyon-pisong korapsyon sa flood control projects.
Sa kabila aniya na wala pa silang pasilidad at panuntunan sa proseso, mababatid na ng publiko ang pagdinig ng komisyon.
Ayon naman kay Senador Kiko Pangilinan, isa itong welcome news upang malaman ng publiko ang development o pag-usad ng ikinakakasang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure.
Bukas din si Makati Business Club Executive Director Rafael Ongpin na i-livestream ang lahat ng sesyon ng ICI, ngunit dapat pa ring bigyan ng karapatang magdeklara ng confidential sessions ang komisyon kung kinakailangan.
Ayon kay Ongpin, bagama’t mahalagang maging transparent ang imbestigasyon, dapat ding iwasan na maging “circus” o palabas ang mga pagdinig na maaaring mauwi sa public shaming ng mga inaakusahan.
Binanggit din ni Ongpin na dapat palawakin ang kapangyarihan ng ICI, gaya ng iminungkahi rin ni Senate President Vicente Sotto III.
Aniya, ang komisyon ay dapat magkaroon ng kapangyarihang judicial, investigative, at confiscatory, katulad ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) noon.
Kabilang dito ang power of subpoena, pagdedeklara ng contempt — kasama ang pag-aresto o paghahain ng hold orders matapos ang due process — at ang kapangyarihang magsampa ng kaso nang direkta, nang hindi na kailangang dumaan sa Ombudsman, Department of Justice, o Office of the Attorney General.
Dagdag pa ni Ongpin, kailangang palawakin ang saklaw at bilang ng mga miyembro ng komisyon upang matugunan ang dami ng kasong kaugnay ng anomalya.
Giit niya, hindi lamang sa infrastructure projects umiikot ang korapsyon na dapat imbestigahan ng ICI.
Ayon sa kaniya, lumalawak na rin umano ang impluwensya ng mga tiwaling opisyal sa mga social welfare programs ng pamahalaan gaya ng mga ayuda.