Inutos ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na parusahan ang mga bus company na hindi sumusunod sa tamang terminal at road safety standards.
Ito ay matapos niyang inspeksyunin ang walong bus terminal sa Cubao bilang paghahanda sa Undas. Natuklasan niya na apat sa mga terminal ang may mga pasilidad o sasakyan na hindi naaayon sa mga pamantayan ng ahensya.
Nabanggit din ni Lopez na kailangang may tamang upuan, bentilasyon, malinis na palikuran kabilang ang all-gender restrooms, at maayos na lugar para sa mga driver at mga magpapalit ng diaper o magpapasuso.
Napansin niyang may worn-out tires ang isang bus ng Jam Liner, walang maayos na pasilidad ang Dagupan Bus Co., may expired permit ang DLTB Bus Co., at kulang sa tamang upuan ang Super Lines Bus Co.
Pinuri naman niya ang Victory Liner, Viron Transit, at Alps Bus Co. dahil sa maayos nilang mga terminal, lalo na ang Victory Liner na may hagdang tulong para sa mga senior citizens at may kapansanan.