IMG 133ec4f5414476882489e2b5d55dff11 V

(Update) Patuloy ang custodial debriefing sa umano’y dinukot na doktor pero nailigtas na ng mga sundalo sa Sulu kagabi.

Ayon kay Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, alas-7:30 kagabi nang marekober ng mga tropa si Dr. Daniel Moreno sa may Barangay Bangalan, Indanan, Sulu.

Sinabi ni Sobejana, tuloy-tuloy kasi ang kanilang search and rescue operation at nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo hinggil sa presensiya ng Abu Sayyaf Group (ASG) kaya agad nagsagawa ng operasyon ang Joint Task Force (JTF) Sulu partikular ang 1102nd Brigade.

Habang ongoing ang hot pursuit operation, nakita ng mga sundalo sa lugar si Dr. Moreno na iniwan ng mga bandidong Abu Sayyaf.

Kaagad dinala sa ligtas na lugar ang doktor habang tinugis ng mga sundalo ang grupo ng Abu Sayyaf na nauwi sa limang minutong running gunbattle.

Inamin naman ni Sobejana na nasa P3 million na ransom ang hiniling ng teroristang grupo kapalit ng kalayaan ng doktor pero hindi nagbayad ang pamilya ni Dr. Moreno.