Inihayag ng Department of Justice na tiwala itong mas tumitibay na ang isinasagawang imbestigasyon at ‘case buildup’ hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, tiwala ang kagawaran na mayroong magandang pinatutunguhan ang kanilang pag-iimbestiga kasunod ng pagtutulungan kasama ang iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno.
Ito’y buhat rin daw nang simulan na ang ikinasang ‘search retrieval operations’ sa Taal lake katuwang ang Philippine Coast Guard at Philippine National Police.
Ngunit aminado ang naturang kalihim na hindi ganun kadali ang isinasagawang imbestigasyon sapagkat aniya’y ang tubig sa lawa ng Taal ay malabo kaya’t hirap sisirin ng mga nakatalagang technical diving team.
Sa kabila nito’y kanyang tiniyak naman na kanila pa rin itong ipagpapatuloy kasabay ng inaasahan pang karagdagang tulong mula sa bansang Japan.
Nakikipag-ugnayan kasi ang Department of Justice sa naturang bansa upang humiling ng mga kagamitang maaring mahiram para mapadali o makatulong sa inasagawang operasyon sa Taal lake.
Dagdag pa niya, maraming mga kaso ang kanilang pinag-aaralan pa na posibleng maisampa sa mga suspek na sangkot o nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Kung saan kanya pang ibinahagi na ang ikinasang ‘search and retrieval operations’ ay kaugnay sa mga impormasyong ibinahagi ni alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan.
Kaya naman dahil rito’y nagpasalamat si Justice Secretary Remulla sa mga ahensiya ng gobyerno na siyang katuwang ng kagawaran upang maipagpatuloy ang masusing imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, mayroon ng limang sako ang matagumpay na narekober ng Philippine Coast Guard sa bahagi ng Taal lake.
Kung saan isinasailalim pa ito sa mga pagsusuri upang matukoy ang mga laman at kung sakaling mga buto ng tao ay plano itong i-match sa DNA samples ng kaanak ng mga nawawalang sabungero.