-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na posible itong makipag-ugnayan sa International Criminal Police Organization o mas kilala bilang Interpol upang mapabalik dito sa Pilipinas si Atty. Harry Roque.

Ito mismo ang isa sa mga kinukunsidera ng naturang kagawaran kasabay ng kanilang plano na makipag-ugnayan rin sa gobyerno ng bansang The Netherlands.

Kung saan tiniyak ng Department of Justice na kanilang gagamitin ang lahat ng legal remedies para maaresto ang former presidential spokesperson ni dating pangulong Duterte na si Atty. Harry Roque.

Ayon kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, plano rin anilang sumulat sa gobyerno ng bansang The Netherlands upang ipagbigay alam ang kasong kinakaharap ng abogadong si Harry Roque.

Sa pakikipanayam pa sa kanya, dito ipinaliwanag ng naturang tagapagsalita na maaring idaan ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa pamamagitan ng Interpol.

Ani pa niya’y walang special treatment na gagawin ang Department of Justice at ituturing ito kagaya ng ibang mga kaso.

“We will treat this as any other case, so kung meron talagang akusado na wala sa bansa, we will exhaust all our remedies to get him back here into the country,” ani Assistant Secretary Mico Clavano ng Department of Justice.

Si Atty. Harry Roque, dating presidential spokesperson ni former President Duterte kasama si Cassandra Li Ong at siyam pang iba ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa qualified human trafficking.

Kung saan sangkot umano sila sa natuklasang ilegal operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

Kaya’t giit ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na mahalagang maiharap ang mga akusado kahit pa nasa ibang bansa ito para sagutin ang mga paratang na ibinabato laban kina Atty. Harry Roque.

“Ngayon po na may warrant of arrest siya, kailangan na nating iharap sa korte. Kasi kailangan ho natin i-obtain ang jurisdiction over the person para po ay meron pong jurisdiction na mag-proceed ang court,” dagdag pa ni Spokesperson Mico Clavano ng DOJ.

Ang naturang mga pahayag ay kanyang sinambit kasunod ng inilabas na arrest warrant ng Angeles, Pampanga Regional Trial Court Branch 118 laban kina Atty. Harry Roque at iba pa.

Dahil dito, binigyang diin ni Spokesperson Mico Clavano na ang kanilang mga hakbang ay isang halimbawa ng prosekyusyon na sangkot sa krimen.