-- Advertisements --

Pinabulaan ng Department of Justice na kanila ng inatasan ang International Criminal Police Organization o mas kilala bilang Interpol na maglabas ito ng ‘red notice’ laban kay Atty. Harry Roque.

Ito mismo ang binigyang linaw ng naturang kagawaran matapos kumalat at mapaulat sa iba’t ibang social media platforms na kanila na raw iniatas sa Interpol ang naturang kahilingan.

Mismong si Assistant Secretary Mico Clavano, kasalukuyang tagapagsalita ng Department of Justice ang siyang nagbigay linaw hinggil sa usaping ito.

Ayon sa kanyang mga ibinahagi, sinabi nitong mali ang mga kumakalat na balitang inatasan na nila ang Interpol.

Aniya’y tinitingnan pa lamang raw nila at inihahanda ang mga preparasyon sa kanilang pagtutok sa naturang kaso ng dating presidential spokesperson.

Kung saan nais pa ng Department of Justice na matukoy muna kung ano ang pinakainam at maaring gawin na hakbang o aksyon hinggil sa sitwasyon ng kaso.

Si Atty. Harry Roque ay kasalukuyang nasa bansang The Netherlands at mayroong pending o on-going ‘asylum application’ sa gobyerno nito.

Ito ay kasabay ng kanyang mga kinakaharap na kaso dito sa Pilipinas dahil sa pagiging sangkot umano nito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator o mas kilala bilang POGO.

Samantala sa kabila nito, inihayag din ng Department of Justice na maaring maantala o hindi muna maaresto ang dating presidential spokesperson ni Former President Rodrigo Duterte.

Ayon kasi kay Justice Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, kinakailangan munang maresolba ang ‘asylum application’ ng isang indibidwal bago ang implementasyon ng isang arrest warrant.

Ngunit paglilinaw naman niya na ang ganitong proseso ay base sa kung ano ang sinusunod dito sa bansang Pilipinas.

Giit pa niya’y nasa bansang The Netherlands na ang desisyon kung papayagan ba nilang maisilbi ng Interpol ang arrest warrant laban kay Atty. Harry Roque habang on-going pa ang aplikasyon nito ng asylum.

“When we receive information na may warrant of arrest, we just informed the concerned authorities that there is a pending asylum application that we have to resolve with finality first before we can move forward with the that warrant of arrest,” ani Justice Chief State Counsel Dennis Arvin Chan.