-- Advertisements --

Inamin ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na wala pang na-freeze na ari-arian ng mga halal na opisyal ng gobyerno na umano’y sangkot sa flood control corruption scandal.

Ang pag-amin ni DOJ Undersecretary Jesse Hermogenes Andres ay taliwas sa naunang sinabi ni dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na nakakuha na ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa ari-arian ng dalawang Senador at isang nagbitiw na kongresista.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni USec. Andres na ang mga freeze order ay tumutukoy lamang sa ilang opisyal ng DPWH, hindi sa mga pulitiko.

Pinabulaanan din niya ang mga kumakalat sa social media na na-freeze na ang assets ng ilang Senador. Dahil dito, nainis si Sen. Rodante Marcoleta at hinimok ang DOJ na papanagutin ang mga “malalaking isda” sa likod ng katiwalian.

Tiniyak naman ni USec. Andres na maingat at sistematiko ang DOJ sa imbestigasyon, at inaasahang maaabot din ang mga pulitikong sangkot sa flood control scandal sa mga susunod na hakbang.