Ibinunyag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroon silang hawak na panibagong testigo kaugnay sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon mismo sa naturang kalihim, bukod sa iba pang mga testigo katulad ni alyas ‘Totoy’, meron silang bagong testigo na makatutulong sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Ngunit tumanggi munang pangalanan o ibahagi ni Secretary Remulla ang pagkakakilanlan at sinabing malalaman naman ito ng publiko sa mga susunod o sa lalong madaling panahon.
Ani pa niya’y, hindi lamang basta testimonya ang hawak nila kundi mayroon pang tiyak na ebidensya ang siyang ibinahagi ng naturang testigo.
Kung saan tiwala ang naturang kalihim na mapagtitibay nito ang kredibilidad ng lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’.
‘Malalaman niyo very soon mayroon kaming bagong testigo na lalabas,” ani Sec. Jesus Crispin Remulla (Department of Justice)
Samantala, kasabay ng pagbisita ni Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III sa Department of Justice, kinumpirma naman ni Secretary Remulla ang pagkakasibak sa isang ‘service commander’ ng PNP.
Paliwanag ni Secretary Remulla kung bakit niya ito ipinatanggal sa puwesto, kanyang sinabi na ito’y bunsod ng hindi umano angkop na pagkilos nito sa isinasagawang imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero.
Aniya’y mahalaga ang pagkakaroon ng tiwala lalo na sa pagproseso at pagresolba ng kaso upang malayang maibahagi o makapagsalita ang ilan sa kanilang pag-iimbestiga.