-- Advertisements --

Sa kabila ng magandang critical care utilization rate (CCUR) ng buong bansa, nababahala pa rin ang Department of Health (DOH) dahil sa pamamaga ng nasabing porsyento sa lalawigan ng Cebu at sa Cebu City.

Batay sa datos na inilabas ng DOH, as of June 29, lagpas na sa critical level na 70-percent ang mga pasilidad ng lalawigan na okupado ng COVID-19 cases.

Sa ward beds, 70.6-percent na ang may pasyente; 74.2-percent naman sa isolation beds; 62.5-percent sa mga ICU; at 49.4-percent ang mechanical ventilators na ginagamit.

Ang Cebu City naman, na kapwa hotspot ng lalawigan, 85-percent na ng isolation beds ang okupado.

CCUR DOH June 30
IMAGE | DOH data on critical care utilization rate/Screen grab from DOH virtual presser

Nagpatupad na raw ng mga hakbang ang Inter-Agency Task Force para tugunan ang sitwasyon ng lalawigan at lungsod.

“Kailangang patuloy ang pagpapatupad ng minimum health standards sa lugar; patuloy din ang paggamit ng temporary treatment and monitoring facilities para sa facility-based quarantine and isolation,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Patuloy din ang ating pagpapakalat ng impormasyon sa COVID-19; at patuloy ang pananaliksik sa mga innovations tulad ng convalescent plasma therapy na maaaring magbigay lunas sa mga taong may COVID-19.”

Mas mataas din kumpara sa 1.3 reproductive number (R-Naught) ng coronavirus disease sa buong bansa ang parehong datos ng Cebu City na nasa 2.1.

Ang R-Naught ay bilang ng nahahawa sa COVID-19 ng isang kumpirmadong kaso.

“Nangangahulugan ito na kailangan pa natin mag-pursige lalo upang mapababa pa ito at magagawa pa natin sa pamamagitan ng minimum health standard ang pagpapaba ng R-Naught,” ani Vergeire.

Sa case doubling time naman, mas mabilis ng bahagya ang Cebu sa 7.47 days, kumpara sa 7.66 days na pagitan ng bago muling dumudoble ang mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

Batay sa regional epidemiological data sa Central Visayas, may natunton na 14,500 close contacts mula sa mga kumpirmadong kaso ng sakit sa Cebu. Mula sa mga ito, may 7,389 na general contacts o nagkaroon ng malapitang contact sa mga unang close contacts.

Una nang pinabulaanan ni Usec. Vergeire ang pahayag ni DILG Sec. Eduardo Año na malapit nang maging epicenter ng COVID-19 infection ang Cebu City.