-- Advertisements --

Inihayag ni Mayor Isko Moreno Domagoso, bagong alkalde sa lungsod ng Maynila na plano nitong maipadeklara ang state of health emergency.

Aniya’y bunsod ito ng iniindang problema ng kanyang mga kababayan na kapabayaan at isyu sa basura ng naturang lungsod.

Kaya’t sinabi ni Manila Mayor Isko na kanyang hihilingin sa City Council para maideklara o maisailalim ang buong lungsod sa state of health emergency sa una nitong sesyon.

Sa isinagawang pulong balitaan sa Manila City Hall, ibinunyag din ng alkalde na aabot sa mahigit P900 million ang naging utang ng lungsod sa waste management.

Ngunit kanyang pagtitiyak naman na mangongolekta ng basura pa rin ang mga kumpanyang ito na hindi pa nababayaran para umikot sa syudad.

Samantala kaugnay naman sa iba pang mga problemang kinakaharap ng lungsod, nagbigay babala naman si Mayor Isko Moreno lalo na hinggil sa ilegal na droga.

Kanyang binalaan ang mga gumagamit at nagpapakalat o distributor ng ilegal na droga na kanila itong hahabulin at pananagutin sa batas.

Dahil rito’y kanya pang babala sa mga ito na seryoso ang bagong pamahalaang lungsod sa pagtugon nito sa mga seryosong problema na kinakaharap ng Maynila.

May kalalagyan umano aniya ang mga ito sakaling hindi pa rin huminto at tumigil sa ginagawang ilegal na aktibidad.